Ipinagmalaki ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan na sila ang nangunang lungsod sa National Capital Region na may pinakamaraming nabakunahan sa pediatric age group.
Ito’y makaraang makapagtala ang Lungsod ng 736 na mga batang may edad 5 hanggang 11 sa unang araw pa lang ng pagbabakuna para sa nasabing kategorya nuong Pebrero a-7.
Kasunod nito, ipinagmalaki rin ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pangunguna ng kanilang lungsod sa may pinakamaraming nabahaginan ng booster shots o ikatlong dose ng bakuna kontra sa virus.
Dahil dito, nagpasalamat si Zamora sa mga residente para sa kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa lokal na Pamahalaan upang ganap na masugpo ang COVID-19.
Una rito, ang San Juan City rin ang pinakaunang lungsod sa bansa na mabilis na nakapagpababa ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa kasagsagan ng pandemiya. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)