Inalerto na ni CARAGA Regional Police Office Chief P/BGen. Romeo Caramat Jr ang lahat ng yunit sa kanilang area of responsibility.
Ito’y matapos mabalot ng tensyon ang bahagi ng National Highway sa Sitio Lubcon, Barangay Mabahin sa bayan ng Cortez, lalawigan ng Surigao del Sur.
Batay sa ulat ni Caramat kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, tinatayang aabot sa 30 miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA ang nangharang sa naturang kalsada.
Kasunod nito ay sinalakay at niransack din ng mga bandido sa pangunguna ng isang Joel Maghinay ang bahay ng mga Sundalo kabilang na ang sa retiradong Army na si 2Lt. Joven Rivera.
Maliban kay Rivera, pinasok at hinarass din ng mga NPA ang bahay ng iba pang miyembro ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa lugar.
Dahil dito, 24 oras nagkasa ng hot pursuit operations ang sanib pwersa ng Militar at Pulisya para tugisin ang may 30 hanggang 50 miyembro ng kilusang Komunista.
—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)