Sugatan ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin ng ice pick ng dating live-in-partner ng kanyang kasintahan sa bayan ng Quezon, Nueva Ecija.
Kinilala ang biktima na si Angelo Corpuz, 20 anyos at ang suspek na si Jojo De Guzman, 25 anyos.
Ayon sa Nueva Ecija Provincial Police, nagkasundo ang suspek at live-in partner nitong si Joan Estadilla na maghiwalay dahil sa bago nitong nobyo na si Corpuz.
Napag-alaman na nagpasundo si Estadilla kay Corpuz at habang naglalakad ay sinundan sila ng suspek at pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Kasalukuyang nagpapagamot na si Corpuz sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Medical Center sa Cabanatuan City habang pinaghahanap na ng mga otoridad ang suspek. —sa panulat ni Mara Valle