Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government na magiging patas sila sa mga kandidato at kanilang supporters sa pagpapatupad ng mga kautusan laban sa paglabag sa health protocols ng campaign sorties at iba pang election-related events.
Ito’y upang hindi magresulta sa COVID-19 case surge ang kaliwa’t kanang campaign activities para sa May 9 elections.
Ayon kay interior secretary Eduardo Año, hindi sila mamimili ng mga kakasuhang kandidato, sympathizer at supporter na lumalabag sa protocols.
Hinimok din ng kalihim ang lahat ng tumatakbo sa halalan na sumunod sa mga alituntunin at magsilbing mabuting halimbawa sa kanilang supporters.
Sa ilalim anya ng omnibus election code, regulated ang political rallies, meetings at pagkakaloob ng libreng sakay, pagkain at inumin sa supporters.
Ang sinumang lalabag sa mga nasabing rules ng Commission on Elections ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan, i-diskwalipika sa paghawak ng anumang tanggapan at tanggalan ng karapatang bumoto.