Hinihingi ng pamunuan ng Manila International Airport Authority o MIAA ang tulong ng kanilang mga empleyado upang matukoy at makasuhan ang mga pasimuno sa tanim bala scam sa paliparan.
Tiniyak ni MIAA General Manager Jose Angel Honrado, sa memorandum na inilabas nito na gumagawa na sila ng kaukulang mga hakbang upang matukoy ang puno’t-dulo ng naturang kontrobersya.
Hiniling din ni Honrado na ireport agad sa kinauukulan ang mga gumagawa ng hindi maganda upang malinis ang hanay ng mga inosenteng manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport.
Nanawagan din si Honrado sa mga empleyado ng paliparan na manatiling kalmado sa kabila ng mga insulto at pagpuna na kanilang tinatanggap mula sa publiko.
Dapat din aniyang manatili ang dignidad sa hanay ng mga manggagawa ng paliparan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
By: Mariboy Ysibido