Nagbabala ang Philippine National Police – Anti Cybercrime Group o PNP-ACG sa mga internet user na mag-ingat sa mga naglipanang na link sa internet ngayong Araw ng mga Puso.
Sa kanilang Valentine’s Day cybertips, sinabi ng ACG na maaaring samantalahin ng mga cybercriminal ang okasyon para makapambiktima sa pamamagitan ng paglalabas ng mga romantic video, pictures at link sa bilihan ng mga regalo.
Payo ng ACG, huwag basta-basta buksan ang mga link, email o message na galing sa unknown source at huwag din dapat mag-download ng mga attachment na tungkol sa Valentine’s Day.
Mahalaga ito ayon sa ACG para hindi ma-hack ang account ng mga internet user at hindi maagaw ang mga personal na impormasyon.
Samantala, pinayuhan naman ng ACG ang mga internet user na mag install ng mga anti-virus bilang proteksyon mula sa mga online scammer at hackers.