Ibinunyag ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y planong paghahasik ng takot at karahasan ng terroristang grupong Hamas sa Pilipinas.
Ang Hamas ay ang grupong aktibo sa Gaza Strip at West Bank ng Palestina na siyang utak sa serye ng pambobomba at pananambang sa mga tropa ng Israeli Forces sa lugar.
Ayon kay P/BGen. Neil Alinsangan ng PNP Intellegence Group, nadiskubre nila ang plano mula sa isang lokal na koneksyon ng Hamas sa Pilipinas.
Nabatid na isang Fares Al Shikli alyas Bashir ang siyang nangunguna sa recruitment ng mga Local Terrorist Group sa Pilipinas para isakatuparan ang plano kapalit ang malaking halaga ng salapi.
Si Bashir ay tumatayong pinuno ng Foreign Liason Section ng Hamas at siya rin ay kabilang sa red list ng International Police (InterPol) dahil sa pagkakadawit nito sa terrorismo.
Lumabas din sa impormasyon ng Intellegence Counterparts ng PNP na may nangyaring pakikipagpulong sa pagitan ni Bashir at ng ilang Pinoy sa Malaysia.