Walang karapatan ang Commission on Elections (COMELEC) na magbaklas ng campaign materials na ibinabalandra ng mga pribadong mamamayan sa kanilang private properties nang walang due process.
Ito ang pananaw ni Veteran Election Lawyer na si Romy Macalintal sa inilargang “Operation Baklas” ng COMELEC sa Metro Manila.
Ayon kay Attorney Macalintal, kahit mga oversized poster ay hindi basta maaaring tanggalin ng COMELEC nang walang abiso at hangga’t hindi naririnig ang panig ng mga private citizen.
Labag anya sa batas ang ginagawa ng poll body at dapat itigil lalo’t ang mga binaklas na campaign materials ay pag-aari naman ng mga pribadong mamamayan na hindi dapat pagkaitan ng karapatang maghayag ng saloobin na bahagi ng demokrasya.
Ipinunto ni Macalintal ang Supreme Court Ruling noong 2015 sa kasong Timbol versus COMELEC, na nagsasaad na bagaman may Motu Proprio Power ang poll body, maaari lamang itong ipatupad matapos ang isang hearing.