Hihintayin ni Senate President at Vice Presidential candidate Tito Sotto ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagpapalaya bilang humanitarian reason kay Pharmally Director Linconn Ong matapos umapela ang maybahay nito na mapalaya ang huli para mabisita ang anak na kritikal ang kalagayan sa sakit na dengue.
Sa Meet the Press Forum na dinaluhan ng tandem nina Sotto at Presidential candidate Panfilo Lacson, sinabi ng una na bilang humanitarian ground ay pabor siyang palayain si Ong, gayunpaman ay kailangan muna na dumaan ito sa komite at paboran ng mga kapwa senador bago nIya aprubahan. Si Sen. Dick Gordon ang chairman ng Blue Ribbon Committee.
Sa panig naman ni Lacson, sinabi ng kandidato na pabor din siya na palayain na si Ong na maatagal na ring nakulong lalo ngayon na may karamdaman ang anak.
“Matagal nang nakakulong si Ong, pero ang pagkakakulong niya ay karapatan naman ‘yan ng Senado and under jurisprudence ng Supreme Court(SC), dati unlimited ang pagapakulong sa contempt charge pero nilimitahan ang power ng Senate, hindi na sya Unli(Unlimited). I will go for it, ako bilang Vice Chairman ng Blue Ribbon I will recommend that he be released immediately” paliwanag ni Lacson kung saan tinukoy nito ang SC decision noong 2018 sa Arvin Balag versus Senate case na dito’y itinakda ng kataas-taasang hukuman ang hangganan o limitasyon sa pagpapakulong sa mga testigong inimbitahan ng Senado.
Nilinaw ni Lacson na pabor siya pagpapalaya kay Ong bilang humanitarian reason ngunit hindi dapat mawala ang accountability at criminal liability nito sa posibleng kasong isasampa kaugnay sa Pharmally mess.
Ang maybahay ni Ong na si Summer Ong ay una nang lumiham kay Gordon at kay Sotto at humirit na payagan nang makalaya ang asawa dahil sa kalagayan ng anak.