Handang-handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa APEC Summit sa susunod na linggo.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Emmanuel Miro, hepe ng Task Force APEC ng MMDA na pangunahing tututukan nila ang traffic rerouting scheme sa kasagsagan ng nasabing Summit.
“Ang MMDA po ay naatasan po at in-charge ng task group traffic management, kasama po namin dito ang HPG, at mga LGU ng kalakhang Maynila para ipatupad yung ating traffic management para sa ikaasyos ng daloy ng trapiko para sa ating mga delegado.” Ani Miro.
Ipinabatid din ni Miro na mayroon silang itinalagang APEC lanes sa kahabaan ng EDSA.
“Meron po tayong APEC lanes na ito po yung dalawa sa bandang bahagi ng MRT, magkabilaan poi to ng EDSA, mag-uumpisa pos a Shaw Boulevard hanggang sa may Roxas Boulevard patungong MOA.” Pahayag ni Miro.
Full nation approach
Tiniyak din ng MMDA na mayroon silang inihandang augmentation para sa pag-eescort sa mga delegadong darating sa bansa para sa APEC Summit.
Sinabi ni Miro na full nation approach ang ipinatupad nila rito, alinsunod na rin sa direktiba ng Pangulong Noynoy Aquino.
Idinagdag pa ni Miro na posibleng putulin ang komunikasyon sa panahon ng APEC Summit na una nang ginawa noong Papal visit.
“Meron pong mga intermittent na power communication interruption, asahan na rin po natin ito sa mga darating na araw especially mula Nobyembre 16-20.” Dagdag ni Miro.
By Meann Tanbio | Balitang Todong Lakas