Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Dionardo Carlos ang malawakang imbestigasyon hinggil sa nangyaring pagbagsak ng kanilang H125 Airbus – RP 9710 helicopter sa bulubunduking bahagi ng Real sa Quezon.
Ayon kay PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo, bumuo na sila ng Special Investigation Task Group o SITG na siyang tututok sa nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa sanhi ng pagbagsak ng naturang helicopter.
Binigyang diin ni Fajardo na kinabibilangan ang binuong SITG ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan tulad ng Department of Transportation, Civil Aviation Authority of the Philippines at iba pa.
Sugatan ang 2 piloto ng naturang Helicopter na sina P/LtC. Dexter Vitug at P/LtC.Michael Melloria habang sinawing palad naman si Patrolman Allen Noel Ona habang iniaalis mula sa bumagsak na sasakyang panghimpapawid.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si Carlos sa naulilang pamilya ni Ona at tiniyak ang karampatang tulong pinansyal para sa kanila habang peronal naman niyang binisita ang 2 sugatang pulis sa Kampo Crame.
- ulat mula kay Jaymark Dagala