HINIMOK ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ng kanyang running-mate na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang mga opisyal ng Lalawigan ng Pampanga na magkaisa sa darating na halalan at maging pagkatapos nito.
Pangunahing panauhing pandangal si Marcos at Duterte sa selebrasyon ng kaarawan ni Bise Gobernador ng Pampanga Lilia ‘Nanay’ G. Pineda.
Ginanap ang nasabing selebrasyon sa Bren Z. Guiao Convention Center at Kingsborough International Convention Center, San Fernando, Pampanga na dinaluhan ng mga ibat-ibang lokal na opisyal ng lalawigan, kung saan namataan sa programa ang mga senador at iba pang kilalang politiko.
Maging ang mga opisyal ng barangay, mga barangay health workers at mga barangay workers ay imbitado rin sa programa.
Ayon sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas, ang kanilang kilusang pagkakaisa ay lumalawak na, nagsimula lamang sa isang bulong na ngayon ay nakikita na sa bawat lugar na kanilang pinupuntahan ni Sara.
“Nakakatuwa na ang aming sinisigaw na pagkakaisa ay lumalawak na, nagsimula lamang sa isang bulong na ngayon ay nakikita na sa bawat lugar na aming pinupuntahan ni Mayor Sara,” ayon sa pambato ng PFP.
“Ngayong araw na ito nagsimula na ang pagkakaisa, nakita na sa inyong lalawigan kaya dapat ipagpatuloy natin itong ating nasimulan hindi lamang ngayon, hanggang pagkatapos ng eleksyon,” dagdag pa niya.
Hiniling naman ni Duterte na suportahan ang kanilang adbokasiya sakaling maluklok sila ni Marcos na presidente at bise presidente sa darating na halalan.
“Simulan po natin sa pagbalik ng trabaho na nawala dahil sa pandemya. Pangalawa ang pagpapatuloy ng reporma na nasimulan ni Pangulong Duterte, particularly the Build, Build, Build project o infrastructure development spending ng ating bansa, at ‘yung pagsugpo sa krimen at ilegal na droga sa ating komunidad,” sabi ni Mayor Inday.
“Paano ito masisimulan? Kapag tayo pong lahat ay magkakaisa,” dagdag pa ni Duterte.