Namemeligrong tumaas ng 3.5% ang production cost ng basic goods dahil sa walang patid na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na ang pagtaas ng production costs ang magiging batayan nila sa pagpapasya kung magtataas o hindi ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Lopez, kung nais ng mga manufacturer na magtaas ng presyo, dapat muna silang magsumite ng liham sa DTI bago mag-desisyon ang kagawaran.
Tiniyak ng kalihim sa publiko na hindi pa nagbabago ang suggested retail price ng mga produkto pero minomonitor na nila ang geopolitical situation sa Eastern Europe.
Ang tensyon anya sa pagitan ng Russia at Ukraine ang isa sa mga dahilan ng supply disruptions sa global market, lalo sa mga produktong petrolyo.
Samantala, hindi naman idinetalye ni Lopez kung nagresulta na sa mas mataas na production cost ang panibagong bugso ng pagtaas ng presyo ng oil products na ipinatupad noong Martes.