Sang-ayon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa suhestyong suspendihin ang operasyon ng mga lisensyadong online sabong sa bansa.
Batay na rin ito sa resolusyon ng senado na nagbibigay-daan sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa pagkawala ng 31 sabungero.
Gayunman, nilinaw ni PAGCOR E-Sabong Department Acting AVP Diane Erica Jogno na kailangan pa nilang hingin ang approval ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pansamantalang tigil-operasyon ng E-Sabong.
Sa nasabing pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, in-adopt ng panel ang mosyon na magpalabas ng resolusyon na humihiling ng suspensyon sa online sabong habang nireresolba ang issue sa mga nawawalang sabungero.
Mayroon namang pitong E-Sabong na binigyan ng lisensya ng pagcor, at ito ay ang Belvedere Vista Corporation, Lucky 8 Star Quest, Visayas Cockers Club, Jade Entertainment and Gaming Technologies;
Newin Cockers Alliance Gaming Corporation, Philippine Cockfighting Internationaland Golden Buzzer.
Sa hirit naman ni Senador Francis Tolentino na tanggalin sa menu ng E-Wallet provider na Gcash ang E-Sabong payment option, ipinaliwanag ng PAGCOR na wala ito sa kanilang hurisdiksyon at ang akreditasyon ay nasa ilalim ng Bangko Sentral ng Pilipinas.