Tinitignan ng gobyerno na buksan ang lahat ng ruta ng transportasyon at ibalik ang 100% kapasidad sa mga pampublikong sasakyan sakaling ilagay sa alert level 1 ang NCR.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Officer-In-Charge and General Manager Romando Artes, makikipagpulong ang mga opisyal ng ahensya sa mga executive ng Department of Transportation (DOTr), LTFRB, at LTO sa Lunes para pag-usapan ang mga protocol na ipatutupad sa ilalim ng alert level 1.
Lahat aniya ng posibleng restriksyon sa nasabing alert level ay tatalakayin ng technical working group para isumite sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Matatandaang inihayag ni Parañaque City Mayor at Metro Manila Cauncil Chairman Edwin Olivarez na ang mga alkalde sa NCR ay sang-ayon sa pagbaba ng rehiyon sa naturang alert level. —sa panulat ni Airiam Sancho