BUONG suporta ang ibibigay ng lalawigan ng La Union para sa kandidatura ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sa kanyang UniTeam, dahil naniniwala si Gov. Francisco Emmanuel Ortega III at kanyang mga kababayan, na siya ang tunay na “simbolo ng pagkakaisa” na makatutulong sa bansa upang umunlad at makabangon mula sa pandemya.
Ito ang pahayag ni Ortega sa harap ng libo-libong tao sa Poro Point Baywalk sa San Fernando kung saan ginanap ang grand rally ng UniTeam.
“Tunay na pagkakaisa at pag-unlad ng buong Pilipinas ang kanyang hangarin. Hawak niya ang mga pangarap at mithiin ng bawat Pilipino na kanyang dadalhin at tutuparin sa hinaharap,” sabi niya.
“Dahil dito nakuha niya ang suporta, tiwala at pagmamahal hindi lamang dito sa ating rehiyon, kundi sa lahat ng bahagi ng bansa,” sabi ni Ortega bago niya iniharap sa kanyang mga nasasakupan si Marcos.
Tiniyak din ng gobernador na solido ang suporta ng buong La Union para sa UniTeam ni Marcos at kanyang running-mate na si vice presidential candidate Inday Sara Duterte.
“For a stronger La Union, for a stronger Region 1, for a stronger Philippines nandito po ang idol ng buong Ilocandia. Ang rason kung bakit buhay na buhay ang solid north. Ang nag-iisa at karapat-dapat na susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas, Bongbong Marcos,” dagdag ni Ortega.
Ayon sa kanya, “all-in” ang suporta ng La Union para kay BBM dahil sa kanyang panawagang pagkakaisa sa kabila ng mga batikos na ibinabato sa kanya.
“Sa gitna ng lahat hindi siya natitinag. Bagkus lalo pang umaangat. Lalo pang umaangat ang ating minamahal bilang simbolo ng pagkakaisa at pag-unlad,” dagdag ni Ortega.
Ayon kay Marcos, ang mainit na suportang natanggap niya at ng buong UniTeam sa kanilang isang araw na campaign sortie sa lalawigan ay nakakataba ng puso.
“Mababawi ko lamang ito sa pamamagitan ng pag-serbisyo sa taong-bayan, sa pag-serbisyo sa inyo, pag-serbisyo sa bawat mamamayang Pilipino at pag-serbisyo sa Republika ng Pilipinas,” wika niya.
Inilatag din ni Marcos ang kanyang plataporma kasama ang kanyang mga prayoridad na programa para makabangon mula sa pandemya.
Partikular niyang binanggit ang suporta sa micro, small and medium enterprises (MSMEs); healthcare, agrikultura, turismo, enerhiya, imprastraktura, digital infrastructure at iba pang programa na lilikha ng trabaho para sa mga Pilipino.
“Maraming-marami po tayong kailangang gawin para masabi na tayo ay naka-recover na dito sa krisis ng ekonomiya,” pagbibigay diin niya.
Iginiit niya na hindi makakamit ang pagbangon mula sa krisis kung wala ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa buong bansa.
“Alam natin na kahit gaano kagaling, kahit gaano kasipag at kahit gaano katapat ang pagmamahal sa Pilipinas kung siya ay isang tao lamang (ay wala ring magagawa),” sabi ni Marcos.
“Ang kailangan natin ay ang pagsasama-sama natin, ipagbuklod-buklod nating lahat ng galing, lahat ng sipag, lahat ng bait at lahat ng kakayanan ng buong madlang Pilipino. Para kaya nating harapin ang lahat ng hamon na dadalhin ng kasaysayan dito sa ating bansang Pilipinas,” dagdag pa nito.