Kakastiguhin at parurusahan ang sinumang Pulis na mahuhuling tumatalpak o tumataya sa online sabong lalo na sa oras ng kanilang duty.
Ito ang babala ni Philippine National Police o PNP Chief, P/Gen. Dionardo Carlos kasunod ng mga impormasyong kaniyang natatanggap na may ilang Pulis umano ang tumatalpak habang naka-duty gamit ang kanilang cellphone.
Sa Flag Ceremony sa Kampo Crame kanina, ipinag-utos ni Carlos sa lahat ng Police Unit Commanders na inspeksyunin ang cellphone ng mga on-duty na pulis.
Mahigpit din ang kaniyang utos sa lahat ng Pulis na huwag malulong sa anumang uri ng sugal.
Magugunitang ilang Pulis na ang napaulat na gumagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw dahil nabaon sa utang dulot ng pagkahumaling sa talpakan.