Pumalo na sa P3-T ang kabuuang halaga ng nalugi sa ekonomiya ng bansa bunsod ng dalawang taong paghihigpit ng restriksiyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay socio-economic planning secretary Karl Chua, posible sanang pumalo sa P25.3-T ang halaga ng magiging kita ng ekonomiya kung hindi tumama ang pandemya sa bansa.
Nabatid na umabot sa P1.3-T halaga ng household income ang nawala o ‘yung halaga ng kikitain sana ng mga Pilipino sa kanilang pagtatrabaho habang P2.2-T naman ang corporate income o ang naging kita sa mga negosyo.
Sinabi ni Chua na ngayong inilagay na sa Alert level 1 ang National Capital Region (NCR), kailangang makabawi ng ekonomiya matapos ding mawala ang tatlong daang bilyong piso sa indirect taxes.