Inabswelto ng Korte sa mga kasong kriminal ang isang konsehal ng Lopez, Quezon dahil sa kawalan ng legal na batayan.
Sa pinalabas na joint order ng Rosales, Pangasinan RTC Branch 53, inutos din ang agarang pagpapalaya kay Arkie Manuel Ortiz Yulde, ang konsehal na nakukulong sa BJMP Balungao, Pangasinan.
Si Yulde ay nagpasaklolo sa Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS at sa National Press Club, at kanyang inilahad ang naging masamang karanasan sa loob ng piitan matapos kasuhan ng mamamahayag sa Pangasinan na si Jaime Aquino, ang sinasabing sinibak na reporter ng Manila Times na naka-assign doon.
Ayon sa konsehal, napatunayan ng korte na inosente siya sa mga kasong isinampa ni Aquino lalo na at walang naiharap na matibay na ebidensiya at maging ang mismong biktima ng panghahalay umano ng konsehal ay hindi rin naiharap sa husgado.
Ang mga pangalan aniya ng mga biktima at testigo gaya ng Jennyrose Tapiador, Cynthia Alvarida at Rommel Abad ay pawang kathang-isip lamang o fictitious lalo na at pinatunayan ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa Manila na walang dinalang pasyente roon na nagngangalang Jennyrose Tapiador.
Sa pagdismis sa mga kaso, niliwanag ng hukuman na bukod sa kawalan ng legal na batayan ay napagkaitan na rin ng karapatan sa speedy trial ang konsehal na napiit nang halos ay mahigit anim na buwan.
Sa pagharap sa media, hindi napigilan ni Yulde ang mapaluha dahil sa sunod na pagpanaw ng kanyang ama at ina na pinaniniwalaan niyang ang dahilan ay ang pagkakulong niya.
Sa huli, binanggit ni Yulde na kakasuhan niya ang mga nagsampa laban sa kanya ng mga gawa-gawang kaso.
Hindi muna inihayag ni Yulde at ng kanyang abogado na si Atty. Freddie Villamor ang mga pangalan ng mga idedemanda dahil may mga bineberipika pa silang mga mahahalagang impormasyon.