Dapat nang simulan ng economic at security clusters ng Malakanyang ang paglalatag ng mga hakbang sa nagbabadyang matinding epekto ng iringan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ito ang inihayag ni Senator Francis Tolentino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na pinalala ng bakbakan ng Ukraine at Russia.
Ngayon anya ang tamang panahon para bumuo ang gobyerno, partikular ang National Economic and Development Authority (NEDA) at National Security Council, ng mga patakaran upang maibsan ang mga epekto sa ekonomiya ng digmaan sa Eastern Europe, lalo sa usapin ng global inflation.
Ayon kay Tolentino, kahit ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang financial institutions ay pinaghahandaan na ang posibleng epekto ng Ukraine Crisis sa banking system.
Sa loob lamang ng dalawang linggo ay nagbabadyang maramdaman ng Pilipinas at mga karatig bansa sa Timog-Silangang Asya ang epekto ng hidwaan ng Russia at Ukraine, lalo na kung tatagal ang digmaan. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)