Hinimok ng Philippine Heart Association (PHA) ang lahat ng mayroong cardiovascular disease na magpaturok na ng COVID-19 vaccine booster, bukod pa sa primary vaccine series.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nangungunang sanhi ng kamatayan ng mga pinoy noong 2021 ang ischemic heart disease, ikalawa ang cerebrovascular disease, kabilang ang stroke habang ikatlo ang COVID-19.
Ayon kay PHA President, Dr. Gilbert Vilela, ang mga mayroong sakit sa puso ang kadalasang nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19 pero kung magpapabakuna at booster ay maaaring maging mild, kung dadapuan ng nasabing impeksyon.
Mas delikado anya sa kalusugan kung magsama ang heart disease at COVID-19.
Tiniyak naman ni Vilela na ligtas ang lahat ng COVID-19 vaccines at booster, anuman ang brand ng mga ito, para sa mga mayroong cardiovascular disease.