Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi na requirement na magpakita ng vaccine cards sa pagpasok sa mga mall.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, ang dapat aniyang humingi ng vaccine cards ay ang mga establisyemento sa loob ng malls.
Sa mga establisyemento kasi aniya tulad ng Spa, Sinehan at kainan nagkakaroon ng pagtitipon ang mga tao na posibleng pagmulan ng hawaan ng COVID-19.
Kaya naman dapat masiguro sa mga lugar na ito na pawang mga bakunado lamang laban sa virus ang papayagang makapasok.
Gayunman, sinabi ni Malaya wala namang masama kung may mga mall na manghihinging ipakita ang vaxx card subalit mas maganda kung magiging uniform aniya ang pagpapatupad nito.
Kaya naman sinabi ni Malaya na makikipagpulong ang DILG sa iba’t ibang lokal na Pamahalaan para talakayin ang naturang usapin. - ulat mula kay Jaymark Dagala