Hindi pa rin umaalis ang ilang Filipino sa Ukraine sa gitna ng tumitinding pag-atake ng Russian Armed Forces.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), 45 pang pinoy sa kabisera na Kiev ang tumangging lumikas kahit naka-umang na ang pagpasok ng lungsod ng napakalaking puwersa-militar ng Russia.
Kinumpirma rin ng DFA na isang pinay ang naiipit sa bakbakan sa Kharkiv, na ikalawang pinakamalaking lungsod sa Ukraine at kasalukuyang nagtatago sa bunker kasama ang employer nito.
Pitong barko at 87 pinoy crew naman ang stranded sa nasabing bansa dahil sa naval mines o bombang itinanim sa dagat, partikular sa Black Sea.
Nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa ship owners upang makuha ang pangalan ng lahat ng Filipino at mailatag ang hakbang kung paano sila masasaklolohan.
Sa datos ng DFA, 250 na ang nagpalista para sa repatriation subalit mahigit 100 ang hindi pa nagpapakita o nakikipag-ugnayan.