Sa kabila ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis, hindi narin maawat ang pagtaas ng presyo ng mga produktong pang agrikultura.
Ayon kay Rosendo So, presidente ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), tumaas na ng P15 kada kilo ang presyo ng buhay na baboy; mahigit P20 naman ang itinaas sa presyo ng buhay na manok na galing sa Visayas at Mindanao habang tumaas naman ng P20 hanggang P25 ang presyo sa kada kilo ng isda.
Sa Farmgate Price, ang dating P85 sa kada kilo ng manok, ngayon ay nasa P109 na.
Kung pagbabasehan ang presyo sa merkado, maglalaro na sa P165 hanggang P190 ang presyo sa kada kilo ng manok habang P350 hanggang P360 ang kada kilo ng baboy.
Ang dating P80 na presyo sa kada kilo ng hito, ay pumalo na sa P100 kada kilo; ang dati namang P95 sa kada kilo naman ng tilapia ay pumalo na sa P140 kada kilo; ang dating P90 sa kada kilo ng bangus, ngayon ay nasa P140 na ang kada kilo.
Sinabi ni So, na maging ang mga gulay, ay apektado narin dahil sa sunod-sunod na linggong taas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Asahan narin ang taas-singil sa presyo ng wheat o trigo bunsod narin ng bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine at posible pa itong tumaas sa susunod pa na buwan. —sa panulat ni Angelica Doctolero