Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan nang magpatuloy ang operasyon ng provincial Public Utility Buses (PUBS) sa Inter-regional Routes.
Batay sa Memorandum Circular No. 2022-023, lahat ng PUB Operators na may valid Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA) at special permits ay maaari nang mag-operate at gumamit ng mga itinalagang end-point terminals papunta at pabalik ng Metro Manila.
Dahil dito, papayagang makabalik ang mga Inter-regional Route kabilang ang mga Provincial commuter Route na magmumula sa CALABARZON sa orihinal nitong terminal sa Araneta Bus Terminal, Cubao sa pamamagitan ng C5 road.
Ang mga ruta ng Provincial commuter na may pre-covid endpoints sa Buendia, Makati, Pasay, at Manila ay patuloy na dadaan sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) bilang endpoint nito, kabilang ang mga magmumula sa malalayong bahagi ng South Luzon tulad ng Quezon, MIMAROPA, at Bicol.
Samantala, papahintulutan na ring magsakay at magbaba ng mga pasahero sa Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT) ang mga provincial bus mula Visayas at Mindanao hanggang Metro Manila. —sa panulat ni Airiam Sancho