Sa pagdami ng kaso ng online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC ngayong panahon ng global pandemic, nanawagan ang Globe, kasama ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) Philippines at Internet Watch Foundation (IWF), na magtulungan ang bawat sektor ng lipunan para sa mas ligtas na paggamit ng Internet para sa mga bata.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Globe ng #MakeITSafePH webinar kasabay ng pandaigdigang selebrasyon ng Safer Internet Day. Pinangunahan ito ng mga kinatawan ng Globe, UNICEF/SaferKidsPH, IWF, Citizen Watch, at Bantay Konsyumer, Kuryente, Kalsada (BK3) na nagbigay impormasyon at mas malalim na pag-unawa tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng OSAEC sa bansa.
Kabilang sa mga adbokasiya ng Globe bilang digital solutions provider ang maging ligtas ang bawat Pilipino online, lalong-lalo na ang mga kabataan na mas madalas gumagamit ng Internet ngayon dahil sa remote learning.
“Ang Internet safety ay hindi lamang para sa iilan. Naniniwala kami sa Globe na lahat ng gumagamit ng internet, bata man o matanda, ay dapat ligtas sa alinmang pang-aabuso. Kaya naman sinisikap namin na makipagtulungan sa lahat ng sektor at maging sa mga indibidwal para sama-samang sugpuin ang OSAEC at bumuo ng mas ligtas at magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Globe Data Protection Officer Irish Salandanan-Almeida.
Nasabi rin ni Salandanan-Almeida na maari rin gamitin ng mga magulang ang children’s story book na “Safe Space: A Kid’s Guide to Data Privacy” para turuan ang kanilang mga anak kung paano maging isang responsible digital citizen. Ito’y available ng libre sa Globe eLibrary.
Ayon kay Emma Hardy, Communications Director ng IWF, tumaas nang 64% ang kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan noong nagsimula ang pandemya. Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang paghihikahos ng mga pamilya, kung saan may mga magulang na ginagamit ang kanilang mga anak sa paggawa ng malalaswang materyal para kumita ng pera.
Bukod pa rito, ayon kay Ramil Anton Villafranca, Child Protection Officer ng UNICEF, tumaas ang bilang ng cyber tip reports sa Pilipinas na natanggap ng Department of Justice – Office of the Cybercrime sa 3 milyon noong 2021 mula sa 1.2 milyon noong 2020. Dahil dito, nabanggit ni Villafranca ang pangangailangang tutukan ng gobyerno, kabilang ang iba’t ibang sektor ng lipunan kasama ang mga bata, ang pagsugpo sa isyu ng OSAEC lalo na ngayong may pandemya.
Idinagdag din ni Prof. Louie Montemar ng BK3 na ang mga batang biktima ng OSAEC ay kadalasang nagkakaroon ng trauma. Apektado nito ang pangkalahatang kalusugan ng bata kasama ang mental health.
Binigyang-diin naman ni Atty. Tim Abejo ng CitizenWatch na mayroon nang mga batas na pumuprotekta sa mga batang biktima ng OSAEC. Ilan sa mga ito ang Anti-Child Pornography Act of 2009, Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ang Cybercrime Prevention Act of 2012, at ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act na mas kilala sa “Child Abuse Law.” Ngunit madalas, ang mga batas na ito ay nagpapatong-patong at posibleng magkasalungat sa isa’t-isa.
Maaaring panoorin ang webinar sa Globe Bridging Communities Facebook page. Bahagi ang webinar ng #MakeITSafePH campaign ng Globe na layuning magkaroon ng ligtas at protektadong internet space para sa lahat.
Sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular na ang UN SDG No. 9 ukol sa Industry, Innovation and Infrastructure, at UN SDG No. 17 na siyang nagbibigay diin sa kahalagahan ng pagtutulungan para makamit ang mga layunin na ito.