Nakatakdang kasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG) ang ilang security personnel ng Manila Arena sa susunod na araw.
Ito’y kaugnay sa misteryosong pagkawala ng mahigit 30 mga sabungero na huli umanong nakita sa nabanggit na sabungan.
Ayon kay PNP Spokesperson, Col. Jean Fajardo, kasong kidnapping at serious illegal detention ang isasampa laban sa mga nabanggit na security personnel na positibong itinuro ng isang testigo na dumukot sa 6 na sabungero.
Kasunod nito, sinabi pa ni Fajardo na pinagsisikapan din ng PNP ang pagkuha ng kopya ng CCTV footage sa Manila Arena upang makapagbigay linaw naman sa ginagawang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Fajardo, aabot na rin sa may 7 pulis ang kanilang naaresto matapos kumapit sa patalim at gumawa ng krimen dahil sa pagkalulong sa online sabong. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)