Sinopla ng gobyerno ang hiling ng business process outsourcing (BPO) companies na ituloy ang karamihan sa kanilang operasyon sa pamamagitan ng work-from-home (WFH) set-up ng kanilang mga empleyado sa susunod pang anim na buwan.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, Chairman ng Fiscal Incentives Review Board, pinayagan lamang ang work-from-home arrangement sa kasagsagan ng COVID-19 infection surges.
Dahil anya sa tumataas na vaccination rate sa bansa, maaari naman nang magpatupad ng safety measures para sa pisikal na pagtatrabaho ng mga empleyado, kabilang ang mga nasa information technology-business process management firms.
Bilang bahagi ng economic re-opening para sa pagpapatuloy ng mas produktibong aktibidad, hinimok ng pamahalaan ang pagkakaroon ng on-site work sa ilalim ng alert level 1.
Ipinunto pa ng kalihim na darami pa ang mga oportunidad at magiging daan sa pagbangon ng local micro, small, and medium enterprises ang pagbabalik ng mga empleyado sa mga opisina.