Ikinabahala ng mga mambabatas, poll watchdog at mga IT expert ang kawalan ng transparency sa pag-iimprenta ng mga balota at pagsasaayos ng secure digital cards na gagamitin sa May 9 elections.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms, inihayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at iba pang resource person na hindi sila pinapasok ng National Printing Office sa warehouse ng COMELEC sa Sta. Rosa, Laguna.
Ito’y upang magbantay na kadalasang nilang ginagawa noong mga nakaraang halalan.
Nilinaw naman ni COMELEC Printing Committee Vice Chairperson Helen Aguila-Flores na walang “definite denial” sa anumang hiling pero pansamantalang sinuspinde ni Commissioner Marlon Casquejo ang pagsasagawa ng obserbasyon dahil sa COVID-19 restrictions.
Ibinunyag din ni Flores na 66.4% na ng mga balota ang na-imprenta, kabilang ang 32% na naipadala na para sa packing at shipping, bagay na ikinadismaya ng mga senador dahil sa kawalan ng observer.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, dapat payagan ng COMELEC ang kinatawan ng anumang kandidato, political party o mga organisasyon na saksihan ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga balota at election returns at bantayan ang lugar kung saan nag-iimprenta.