Pinamomonitor na ng pamahalaan sa Philippine Genome Center ang panibagong variant ng COVID-19 na Deltacron na unang natukoy sa Amerika at Europa.
Ayon sa Department of Health (DOH), naghihintay pa sila ng guidelines at panuntunan na manggagaling sa World Health Organization (WHO) kaugnay sa pagharap sa panibagong kaso ng nakakahawang sakit.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakita ang nasabing virus sa labing pitong pasyente sa Amerika at Europa kung saan sinasabi na ang Deltacron ay ang kombinasyon ng genes ng Delta at Omicron variant na sa ngayon ay wala pang malinaw na katangian.
Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Philippine Genome Center para paghandaan ang katangian ng Deltacron.
Layunin ng ahensya na makapaghanda sa nasabing sakit sakaling magkaroon ng seryosong banta at para mapigilan ang pagpasok nito sa Pilipinas. —sa panulat ni Angelica Doctolero