Mas makakabuti kung hindi muna ipapatupad ang COVID-19 Alert Level zero hanggang sa matapos ang halalan ngayong taon.
Ayon kay infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante, posible kasing sumipa muli ang naitatalang kaso ng COVID-19 dahil sa kaliwa’t kanang ganap na may kinalaman sa pulitika.
Maliban dito, may banta rin ng bagong coronavirus variant na ‘deltacron’ na kombinasyon ng dalawang naunang variant na delta at omicron.
Babala ni Solante, kailangang maging maingat ang gobyerno sa pagdeklarang gumaganda na ang lagay ng bansa dahil hindi pa tiyak kung lubos na nakakahawa o highly infectious ang ‘deltracron’.
Kaugnay nito, nanawagan si Solante sa pamahalaan na paigtingin pa ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine booster shots partikular sa bulnerableng populasyon bilang dagdag na proteksyon. - sa panulat ni Abie Aliño-Angeles