Asahan na ang kaunting bilang ng mga public utility jeepneys (PUJs) na bumibyahe sa mga susunod na araw.
Ayon kay 1-UTAK chair Atty. Vigor Mendoza II, ang tigil-pasada kasi ang nakikitang paraan ng ilang tsuper para hindi na malugi bunsod ng serye ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Aniya, kung mamamasada pa kasi ang ilan sa mga ito, tiyak na hindi na sila kikita dahil mauuwi lamang ang kanilang kinita sa pagpapakarga ng gasolina.
Iminungkahi rin ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na bawasan ang mga designated loading at unloading area.
Paliwanag ni Piston national president Mody Floranda, sa ganitong paraan ay mababawasan ang konsumo nila mula sa karaniwang tatlumpung litrong krudo.
Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni Floranda ang lingguhang paggalaw n presyo sa produktong petrolyo dahil hindi naman daw lingguhan ang pag-angkat ng krudo ng bansa.
Giit nito, hindi dapat hinahayaan ng gobyerno na gawin ito ng mga oil company dahil batay sa datos, mayroong 30 hanggang 40 days na stock sa bansa.
Samanatala, sa 11 sunod na linggo, posibleng ipatupad ng mga oil company ang bigtime oil price hike na maglalaro sa 6 hanggang 12 piso ang dagdag sa kada litro ng produktong petrolyo. —sa panulat ni Abie Aliño-Angeles