Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na posibleng umabot sa P117 billion o 0.5% ng Gross Domestic Product (GDP) ang mawawala sa bansa sakaling suspendihin ng pamahalaan ang pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Budget Assistant Secretary Rolando Toledo, ito ang dahilan kaya tinututulan ng economic managers ng bansa ang pagsuspinde sa fuel excise tax para mapagaan ang epekto ng lingguhang pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni Toledo na ang pagkawala ng kita ay posibleng makaaapekto sa implementasyon ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Matatandaang sinabi ng Department of Finance na ang suspensiyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo ay magreresulta sa revenue loss na aabot ng P131.4 billion ngayong taon na posible ding makaapekto sa budget ng gobyerno para sa COVID-19 recovery measures.
Ang Gross Domestic Product (GDP) ay ang pamantayan o sukatan ng halagang idinagdag sa paggawa ng mga produkto, serbisyo, kita at gastos ng isang bansa. – sa panulat ni Angelica Doctolero