Iminungkahi sa publiko ng Department of Science and Technology (DOST) na gamitin ang “Sagip-Nutri Flour” bilang alternatibo sa wheat flour sa gitna ng pagtaas ng presyo nito dahil sa epekto ng kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ipinaliwanag ni DOST Undersecretary Rowena Guevara na hindi angkop ang klima ng bansa sa pagtatanim o pagpapatubo ng trigo at kailangan nitong mag-angkat mula sa ibang bansa.
Ayon kay Guevara, sa buong mundo, ang Russia at Ukraine ang top producers ng trigo na ginagamit sa mga pagkain tulad ng tinapay, noodles, crackers, cake at iba pang pa.
Sinabi ni Guevara, na dahil imported ang trigo, kapag tumaas ang presyo nito sa buong mundo ay tataas din ang presyo ng mga nabanggit na pagkain.
Dagdag pa ni Guevara na nagpo-produce ang bansa ng local flour na ang tawag ay “Sagip-Nutri Flour” na gawa sa masustansya at indigenous crops.
Ang “Sagip-Nutri Flour” ay ang pinaghalong cassava o kamoteng kahoy, sweet potato, moringa o malunggay, kalabasa at monggo na maaring gamitin sa paggawa ng harina upang magawa ang mga nabanggit na pagkain.
Nabatid na ang halaga ng wheat flour noong enero ay nasa P19.38 kada kilo habang ang halaga naman ng pag-aangkat ng harina ng trigo ay tumataas ng 11.12% kada taon. —sa panulat ni Angelica Doctolero