SINABI ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na bahagi ng plata porma de gobyeno niya ang pagsusulong at pagtiyak sa ‘food production program’ ng bansa upang makamit ang inaasam na ‘food sovereignty’ matapos siyang manalo sa darating na May 9 elections.
Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na binabalangkas na nila ng running-mate na si Inday Sara Dutere ang ‘agricultural blueprint’ na magbibigay katiyakan na dapat ang bawat pamilyang Pilipino ay may sapat na pagkain sa kanilang mga hapag-kainan.
“Kapag mapalakas natin ang ating agricultural sector, magkakaroon tayo ng food sufficiency at food security. At kapag sapat na ang food production natin at tayo na ang nagdidikta kung kailangan ba tayong mag-export ng ating produktong pagkain, masasabi natin na nakamtan na rin natin ang food sovereignty,” ani Marcos.
Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng food sovereignty kaugnay naman ng ‘food security’ at ‘food sufficiency’ na siya ring pilit na inaabot ng kasalukuyang administrasyon at maging ng mga nakalipas na pamahalaan.
“Ang food sovereignty para sa amin ni Inday Sara ay iyong kalagayan ng ating bansa kung saan ang bawat Pilipino ay hindi na magugutom dahil may sapat na silang pagkain sa hapag-kainan,” sabi pa niya.
“At hindi lamang basta hindi nagugutom kundi ang pagkaing kanilang inihahain sa mesa ay nagmula mismo sa ani ng ating sariling lupain, ‘di kaya ay huli mula sa ating mga karagatan o ‘di kaya naman ay nagmula sa ating mga pastulan,” wika pa ni Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos na ang food sovereignty ay makakamit lamang kung may sapat na food supply sa bansa.
“’Pag may food sovereignty kasi ay puwede na tayong mag desisyon kung mag-aangkat at kailangan pa ba tayong umangkat ng produktong pagkain. Hindi tulad ngayon na talagang kailangan nating umangkat sapagkat wala naman talaga tayong sariling produksyon,” sabi pa niya.
“We must create a system that would allow Filipinos to reclaim power in the food supply chain. We are basically an agricultural country, so we have the resources and the land and the people to attain that food sovereignty,” anang Marcos.
“Kailangan lang talaga ang masusi at maayos na programa kasabay ng todong suporta ng pamahalaan sa ating mga magsasaka, livestock raisers at mga mangingisda,” dagdag pa nito.
Aniya pa, isa sa aral na dapat makuha sa hagupit ng pandemya bunsod ng Covid19 ay ang matiyak na magkaroon ng tama at angkop na produksiyon ng pagkain sa bansa.
“When we could not import food, we did not have enough supply. The reason why we did not have enough supply is that our production was insufficient,” dagdag pa ni Marcos.
Dapat ang sektor ng agrikultura ay magkaroon ng tiyak at istratehikong supply ng pagkain sa bansa na magiging daan din ng pag-unlad ng ekonomya.
“We cannot expect our economy to thrive unless the agricultural sector is able to provide a secure and strategic food supply to our country. Kung may mangyari man, magka-pandemya ulit, sapat na ‘yung pagkain dito, hindi tayo umaasa sa importation, which as the pandemic showed is really precarious for us,” sabi pa ni Marcos sa panayam nito sa radyo.
Ang sistema, ayon pa sa kanya, ay dapat higit pang mapalakas at mapaganda, kasabay ng pagbibigay ng sapat na pondo ng pamahalaan higit lalo ang pagpapalawak sa ‘research and development program’ upang makasabay sa agos ng makabagong teknolohiya.
Dapat ding bigyan ng tulong ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang, dagdag kaalaman, technical support, techno demos, post-harvest facilities at marami pang iba.
“If there is public investment into agriculture, that will create many jobs, kasi ‘pag sinasabing agriculture nasa isip natin nagtatanim lang, o nag-aalaga ng hayop, o nangingisda, o may fish pond or whatever, pero hindi lang ‘yan eh,” pagtatapos pa ni Marcos.