Pinayagan na ng COMELEC ang hiling ng kampo ni Vice President Leni Robredo para sa random examination ng printed ballots.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, pitong miyembro ng En Banc ang nagkasundo upang pagbigyan ang apela ni Election Lawyer Romulo Macalintal na suriin ng mga kinatawan ng mga kandidato at political parties ang tatlo sa limang balota sa bawat bayan.
Ito’y upang tignan kung lahat ng security features ay nasa lugar at hindi pre-shaded
Inihayag ni Garcia na ang issue ay napag-usapan at itatakda sa susunod na linggo sa ilalim ng mga alituntunin.
Inilarawan ng poll body official ang random ballot sampling na hiling bilang “makatwiran” upang matiyak ang transparency at mawala ang anumang pagdududa sa integridad ng buong proseso ng halalan.
Hiniling din ni Macalintal na payagan ng poll body ang mga watcher mula sa political groups na silipin ang proseso ng pag-iimprenta.