Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na airtight ang kanilang isasampang mga kaso laban sa 8 security personnel na nasa likod umano ng pagkawala ng 6 na mga sabungero.
Ito’y ayon kay PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo ay matapos mailahad na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay Interior Sec. Eduardo Año ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Fajardo, sa Biyernes ay maisasampa na ng binuong Special Invetigation Task Group o SITG Sabungeros ang mga kasong Kidnapping with Serious Illegal Detention sa Department of Justice laban sa 8 tauhan ng Manila Arena.
Sa kabila nito, aminado si Fajardo na pahirapan pa rin para sa kanila na matunton ang kinaroroonan ng kabuuang 34 na mga nawawalang sabungero.
Gayunman, umaasa ang PNP na buhay at itinatago lamang ang mga nawawalang sabungero sa kabila ng kawalan ng proof of life ng mga ito. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)