Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na walang hacking sa kanilang mga server.
Ito’y matapos akusahan ni Senator Imee Marcos ang Smartmatic, na provider ng Automated Elections System (AES) at Vote Counting Machines o VCMs.
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform, muling iginiit ng Komisyon na walang na-hack at sistema na napasok base sa imbestigasyon ng poll body maging ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa naging pahayag naman ni Senate Committee on Electoral Reform Imee Marcos, walang hacking pero nagkaroon ng breach o iligal na paglalabas ng impormasyon sa Smartmatic.
Sinabi naman ni Comelec Spokesperson Director James Jimenez, na nang matanggap nila ang report mula sa isang network na mayroon umanong hacking sa kanilang server ay agad silang umaksiyon at pinaberipika sa Smartmatic.
Sinisilip nadin ng poll body ang mga CCTV footage upang alamin kung may kaduda-dudang aktibidad sa mismong pasilidad sa Sta. Rosa, Laguna.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng NBI ang nasabing isyu kung saan, makakaasa ang publiko na ligtas at accurate ang kanilang buong sistema hanggang sa maiproklama ang mga mananalong kandidato. —sa panulat ni Angelica Doctolero