Umalma ang mga opisyal ng barangay sa isinagawang clearing operations ng mga otoridad sa ilang kalsada sa Lungsod ng Maynila.
Ito’y bilang bahagi ng paglilinis ng Task Force Mabuhay Lane sa mga kalsada sa lungsod na magagamit bilang alternatibong ruta sa panahon ng Kapaskuhan.
Partikular na nilinis ng pinagsanib na puwersa ng PNP Highway Patrol Group o HPG gayundin ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang bahagi ng Ayala Bridge mula sa España Blvd.
Nauwi sa pagtatalo ang dapat sana’y pag-uusap ng mga tauhan ng MMDA at ng mga opisyal ng barangay dahil sa bigong pakikipag-ugnayan o coordination.
Sa bahagi naman ng Quiapo Ilalim, maagang nilinis ng mga nagtitinda sa lugar ang kanilang mga panindang nakahambalang sa kalsada.
Ngunit, kapansin-pansin ang mga nakaharang na market stalls sa harap ng ginagawang Quinta Market.
By Jaymark Dagala | Aya Yupangco (Patrol 5)