Ipinagluluksa ng 4th Infantry Division ng Philippine Army ang pagpanaw ng isa nilang tropa na nagbuwis ng buhay habang nagseserbisyo para sa bayan.
Ito’y makaraang tambangan ng mga miyembro ng Communist Terrorist Groups o mas kilala na NPA ang biktimang nakilalang si Staff Sgt. Darryl Jay Rivera sa Brgy. Puting Bato, lungsod ng Cabadbaran, lalawigan ng Agusan Del Norte.
Ayon kay Maj. Francisco Garello, Public Affairs Office Chief ng 4th ID, pabalik na sana sa kanilang patrol base si Rivera kasama ang isang Civilian Active Auxillary na si John Odon sakay ng motorsiklo ang kahabaan ng puting bato road sa bahagi ng sitio lusong nang bigla silang paputukan ng hindi matukoy na bilang ng mga rebelde.
Ito ay matapos ang kanilang pakikipag-ugnayan para sana sa tulong pangkabuhayan ng pamahalaan sa mga residente ng Cabadbaran City sa tulong ng lokal na pamahalaan nang mangyari ang malagim na insidente.
Nasawi si Rivera na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan habang nakatakas naman si odon na bahagyang nasugatan mula sa pamamaril.
Dahil dito, nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang mga militar sa naulilang pamilya ni Rivera at tiniyak ang pagkakamit nila ng katarungan sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Dagdag pa ni Garello, si Staff Sgt. Rivera ay kabilang sa mga tumanggap ng meritorious promotion matapos ang nangyaring engkwentro sa Zapanta Valley. – sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9) at sa panulat ni Angelica Doctolero