Isang pulis Marikina ang nanuntok umano ng isang radio reporter ng himpilang DZRH.
Ayon sa nagrereklamong radio reporter na si Edmar Estabillo, nagtungo siya sa Marikina Police Headquarters para mangalap ng balita at tumingin sa blotter doon.
Hindi nagustuhan ni Estabillo ang pabalang na sagot nang naka-duty na si SPO2 Manuel Layson kaya’t nauwi ito sa pagtatalo.
Kuwento pa ni Estabillo, sinuntok umano siya at sinalya bago posasan at kaladkarin ni Layson patungo sa loob ng police headquarters.
Hindi rin umano nakaligtas ang drayber ni Estabillo na sinuntok rin makaraang kunan nito ng video ang insidente.
Ayon naman kay Marikina City Police Chief Senior Superintendent Vincent Calanoga, kanila nang iniimbestigahan ang akusasyon ng panununtok ng kanilang pulis sa naturang reporter.
By Ralph Obina