Hawak na ng mga otoridad ang apat na persons of interest sa pagkamatay ng 18-anyos na estudyanteng kinilalang si Reymarc Rabutazo na residente ng Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.
Matatandaang dead on arrival sa General Cailles hospital sa Pakil, Laguna ang biktima matapos sumailalim sa hazing o initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity nitong linggo.
Base sa impormasyong nakuha ng mga tauhan ng Kalayaan Municipal Police Station, isang binata ang nasawi matapos malunod sa isang ilog pero kalaunan ay napag-alaman na isa pala itong hazing kung saan, nagtamo ng mga pasa sa mga hita ang biktima.
Bukod pa dito, sinabi din ng ina ng biktima na si Maricar Rabutazo na nakakuha din ng damaged sa ulo at paso sa katawan si Reymarc.
Humiling na ang Kalayaan Municipal Police Station na ma-autopsy ang bangkay ng biktima habang nakikipagtulungan narin ang ilang miyembro at opisyal ng Tau Gamma Phi sa Kalayaan, Laguna para sa imbestigasyon.
Nananawagan naman ng tulong ang ina ng biktima para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang anak.
Nangako naman ang Philippine National Police (PNP) na kanilang tututukan ang naturang kaso para makamit ang hustisya. —sa panulat ni Angelica Doctolero