Tinatayang 106,000 balota na gagamitin sana sa May 9 elections ang ikinunsiderang depektibo.
Ayon kay Commission on Elections commissioner George Garcia, susunugin ang mga nasabing balota sa harap mismo ng mga kandidato, political parties at kanilang mga kinatawan.
Sa kanyang pagharap sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, inihayag ni Garcia na ang mga nasabing balota ay may mga batik, hindi tama ang pagkakaputol at kulay o may “unmatched timestamps.”
Inihayag din ni Garcia na nasa 82.4% o 55,579,298 ballots mula sa kabuuang 67,432,616 na ang naimprenta.
Gayunman, hindi anya nakatitiyak na walang magiging depekto ang 18% pa ng mga balotang hindi pa nai-imprenta.
Target naman ng Comelec na matapos ang pag-i-imprenta ng lahat ng mga balota sa ikalawang linggo ng Abril.