Napilitan na ang ilang magsasaka sa Bongabon, Nueva Ecija na itapon na lang ang aning sibuyas o hayaang mabulok dahil hindi nila maibenta bunsod ng napakababang presyo.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), trenta pesos ang kada kilo ng farm gate price ng sibuyas at maaaring ibenta sa mga palengke ng 60 pesos kada kilo, gaya sa Balintawak Market.
Ayon kay Regional Executive Director Crispulo Bautista ng DA– Region 3, maaaring kumita ng 100,000 pesos ang mga magsasaka kahit na ibenta sa 30 pesos per kilo ang kanilang anisa isang hektaryang lupain.
Sa isang hektaryang lupain umano ay maaaring makaani ng 10,000 kilong sibuyas at papatak ang presyo nito na 300,000 pesos at ibabawas naman ang 200,000 pesos na gastos sa pagtatanim.
Gayunman, hindi umano lahat ng ani ay binibili ng traders at hindi rin madala ng mga magsasaka ang mga produkto sa ibang maaaring pagbentahan dahil sa mahal na transportasyon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DA sa ibang mga direct buyer upang matulungan ang mga magsisibuyas.