Naniniwala si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ang pag-endorso sa kanya ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ay mahalagang hakbang tungo sa matagal nang inaasam ng UniTeam na tuluyang pagkaisahin ang bansa.
“Ang bagong development naito will consolidate the forces of unity so that we can continue to work against those who would want to divide Filipinos against each other,” ani Marcos sa ambush interview sa campaign sortie sa Cavite.
“That is what we have been campaigning for and that is our message, and that is our dream, that we bring the country together,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Marcos na ang pag-endorso sa kanya ay nagpatunay ng maganda niyang relasyon sa PDP-Laban.
“This is an important step in that regard, maraming-maraming salamat sa PDP at sa lahat ng kanyang miyembro. I look forward to working with them,” saad ni Marcos.
“Magkakaibigan naman talaga kaming lahat parang na-formalize lang ang aming relation, our personal relationships with the PDP-Laban,” dagdag niya.
Ayon sa presidential frontrunner, masaya siya at nagpapasalamat dahil ito ang matagal na niyang hinihintay.
“Malaking pasasalamat namin sa lahat ng ating mga kaibigan na kasapi sa PDP-Laban sa kanilang ipinahayag na tiwala sa amin ni Inday Sara at sa buong UniTeam,” ayon kay Marcos.
Sa hiwalay na panayam, kinumpirma naman ni vice presidential front runner Inday Sara Duterte na nagpulong si Marcos at ang kanyang ama na si Presidente Rodrigo Duterte nitong nakaraang weekend, pero agad niyang nilinaw na hindi niya alam ang napag-usapan ng dalawa.
Sa isang pulong balitaan ng PDP-Laban, naglabas sila ng resolusyon na pormal na iniendorso si Marcos bilang kanilang kandidato sa eleksyon sa Mayo 9.
Ang resolusyon ay pinirmahan ni PDP-Laban president na si Alfonso Cusi, Secretary General Melvin Matibag, Antonio Kho, at Sen. Christopher Lawrence Go, at iba pang lider ng partido.
Na una nang inindorso ng PDP-Laban ang kandidatura ni Sara Duterte.