Nanawagan ang Department of Energy (DOE) sa mga ahensya ng gobyerno na mahigpit na sundin ang mga alituntunin ng Government Energy Management Program (GEMP) para makatulong sa pagtitipid ng kuryente at gasolina sa gitna ng krisis sa enerhiya na kinakaharap ngayon ng bansa.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, layunin ng pamahalaan na bawasan ang buwanang pagkonsumo ng kuryente at gasolina ng hindi bababa sa 10%.
Naglabas din ng abiso ang kagawaran ukol dito para ipunto ang papel ng Energy Efficiency and Conservation (EEC) sa pagtiyak ng sapat na supply ng mga produktong petrolyo sa gitna ng krisis sa Russia at Ukraine.
Upang ipatupad ang GEMP, inatasan ng DOE ang lahat ng ahensya ng gobyerno na magtalaga ng isang Energy Efficiency at Conservation officer o focal person, na magsumite ng regular na mga ulat sa pagkonsumo ng kuryente at gasolina, gayundin ang pagtitipid ng enerhiya. —sa panulat ni Airiam Sancho