PORMAL nang ipinahayag ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang kanyang pag-endorso kay presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte kasabay ng pagdalaw nilang dalawa sa lalawigan kamakailan.
Kaugnay nito ay tiniyak din ni Ebdane, na matagal nang nagsisilbing gobernador ng lalawigan, na tiyak na ang tagumpany ng BBM-Sara UniTeam sa kanilang lugar, matapos niyang itaas ang kanilang mga kamay sa grand rally na ginanap sa Sports Complex ng Iba, Zambales.
“Mga kababayan, dumating na po ang punto na makikita natin ang ating pinapangarap na maging pangulo ng ating bansang Pilipinas. Nasa kanya na po ang lahat ng hinahanap natin sa isang pangulo,” sinabi ni Ebdane.
“At hindi natin maitatatwa na siya ang pinakamagaling sa lahat sa kanilang naglalaban. Kilalala niyo po ba siya, sino po siya?” tanong ni Ebdane sa libo-libong taga-suporta ng UniTeam.
Kasabay naman nito ay nagkakaisang sumagot ang mga tao at humiyaw sila na “si BBM lang ang sagot”.
“Nandito po ako ngayon na lubos na natutuwa sa pagkakaroon ng pagkakataon na maipakilala po ang ating magiging Pangulo ng bansang Pilipinas, walang iba po kungdi ang ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” dagdag pa niya.
Ang kanyang pag-endorso sa UniTeam ay nagbigay daan sa matagal na hiyawan at sigawan dahilan upang di agad makapagtalumpati si Marcos.
“Maraming-maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap at suporta sa UniTeam,” sabi ni Marcos.
Hiniling din ni Marcos sa taumbayan na magpatuloy sa kanilang adhikain ng pagkakaisa hanggang sa makarating sa araw at panahon na mapagtagumpayan ito ng bansa.
“’Wag po nating kalimutan ang ating sinimulan dito hanggang tayo’y magtagumpay. At ang ating pinag-uusapan na tagumpay ay hindi lamang tagumpay sa darating na halalan sa Mayo,” wika niya.
“Ang ating pinag-uusapan ay ang tunay na tagumpay na masasabi nating dumating na ang araw na ang sambayanang Pilipino ay nagkaisa muli at lahat ng Pilipino ay sabay-sabay na tumutulong at ginagawa lahat upang pagandahin ang buhay ng ating mga kababayan,” dagdag ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na masasabi niya lang na siya’y nagtagumpay kung ang bawat pamilyang Pilipino ay may maayos na natutuluyan, nakakakain sa araw-araw at sapat na sahod upang makapag-aral ang kanilang mga anak.
“Dumating sana ang araw na lahat ng Pilipino ay may trabaho, lahat po ay may pera sa bulsa, makapagbayad ng kanilang mga pangangailangan, mapakakain ang kanilang mga pamilya, mapag-aral ang kanilang mga anak. ‘Yan po ang pangarap natin, makakamtan po natin ‘yan sa pamamagitan ng pagkakaisa,” pagbibigay-diin niya.
Ang mga taga-suporta ay lubos na niniwala na kanyang kayang tuparin ang lahat ng kanyang plano para sa bansa kung siya ay papalaring manalo sa darating na halalan.
“Panalo ka na,” sabi ng isang taga-suporta na sinundan naman ng isa: “Talagang panalo na, hindi lang panalo, landslide pa.”
Isa pang taga-suporta ang nagsabi na manunumbalik muli ang sigla ng ekonomiya sa ilalim ng UniTeam.
“Hindi po ako sumisipsip, pero gusto ko lang pong sabihin sa inyo ang paniniwala ko na wala nang pag-asang makabangon ang Pilipinas kung hindi sina BBM at Sara ang mananalo. Sila lang po talaga ang dapat manalo,” sabi pa ng isang supporter.