Sinimulan nang ipatupad ng gobyerno ang drug price caps sa pamamagitan ng Executive Order 155 na nilagdaan ni President Rodrigo Duterte.
Inanunsyo ni Health Secretary Francisco Duque, III na nagsimula ang full implementation ng price cap noong Miyerkules, March 23.
Ang mga gamot na saklaw ng kautusan ay tumutugon sa mga nangungunang sakit sa bansa tulad ng hypertension, diabetes, mataas na kolesterol, hika, obstructive pulmonary at colorectal diseases, sakit sa baga at mga cancer sa suso.
Kabilang din ang lahat ng mga piling gamot na inirerekomenda ng mga grupo ng pasyente at mga medical societies para sa mga may malalang sakit sa bato, organ transplantation, thalassemia, psoriasis, rheumatoid arthritis at lupus.
Ipinaliwanag ng kagawaran na ang maximum drug retail price ay ang pinakamataas na halaga na maaaring singilin ng retailer sa isang mamimili para sa isang gamot na isinailalim sa price regulation.