Rerebyuhin na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kontrata sa Smartmatic matapos ang umano’y security breach sa system ng service provider para sa Halalan 2022.
Ayon kay COMELEC Chairman Saidamen Balt Pangarungan, inatasan na ng En Banc ang kanilang law division na magsagawa ng review at magrekomenda ng nararapat na aksyon alinsunod sa batas.
Ipinag-utos din ni Pangarungan sa poll body na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) at kumuha ng kopya ng ulat nito sa hinihinalang security breach sa Smartmatic System.
Hiningi rin ng poll chief sa Smartmatic ang report nito sa sariling imbestigasyon sa issue.
Inabisuhan naman ni Pangarungan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtakda ng detalyadong plano upang maiwasan ang security breach at iba pang problema.
Una nang inihayag ni Senate President Tito Sotto na isang Smartmatic employee ang sangkot sa umano’y security breach at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng NBI.