Inilatag ng Political at Military Science expert na si Prof. Clarita Carlos ang mga hamon at istratehiya na dapat harapin at tugunan ng susunod na administrasyon.
Sa isinagawang ALC Media Forum, binigyang diin ni Carlos ang pagbabago sa saligang batas o charter change mula sa kasalukuyang presidential patungong parliamentarian.
Ayon kay Carlos, mas maraming mapakikinabangan ang mga Pilipino sa parliamentarian na uri ng Pamahalaan dahil sa masasala nito ang mga pinunong walang alam sa takbo ng pulitika.
Mas matipid din aniya ang ganitong uri ng sistema dahil sa ang partido at hindi ang taumbayan ang siyang papasan ng gastusin sa tuwing magpapalit ng liderato mula sa kampaniya hanggang halalan.
Maiiwasan din ani Carlos ang pagkakaroon ng political butterfly o iyong mga balimbing na madalas lumipat ng partido dahil ituturo nito ang kahalagahan ng loyalty.